Sa Iyong Paglisan

Tulad ng dampi ng hangin sa tag-init
Tulad ng mga ibong umaawit
Ang pagdating mo’y kasing bilis
Ng paglisan mo sa aking libis

Tulad ng mga dahon at bulalak na nalalanta
Bubuhayin ng tag-ulan sa tuwi-tuwina
Ang tulad mo’y mananatiling alaala
Isang masaya’t makulay na pagsasama

Tulad ng simoy ng hangin tuwing gabi
Gabi’y kasing lamig ‘pag wala na sa tabi
Ngunit ito’y huwag ikabahala
‘pagkat pareho tayong nasa iisang tala

Tulad ng papel na niluma ng panahon
May halaga bawat paglipas ng taon
Munting dasal ang aking pabaon
At biyaya sa bawat pagkakataon

Buhay ay sadyang ganyan
May mga panahong kailangang lumisan
Ngunit huwag mabahala kaibigan
Mananatili ka sa aking puso kailanman

At sa iyong paglisan
Huwag sanang kalimutan kaibigan
Masasayang araw natin na nagdaan
At hirap na ating naranasan
Na nagpatibay sa samahan
Umula’t umaraw man.

Para sa lahat ng kaibigan at naging kaibigan ko. Maraming Salamat sa munting alaala.

Nais Ko

Habang nakupo sa aking opisina, ako’y napatitig sa bawat pag-ugoy ng mga sanga ng kahoy na umaayon sa hampas ng hangin. Isang karaniwang tanawin na pinganda ng bughaw ng langit sa kalagitnaan ng tag-araw. Tila isang larawan na kung mamarapatin ay nais kung ikwadro para muling mapagmasdan. Kaaya-aya. Maaliwalas. Nakakawala ng pagod. Napag-isip isip ko tuloy ng ang ating buhay ay tila isang serye ng mga larawan na pinag-ugnay unay. Bahagi na ng kasaysayan. Naluluma, napag-iiwanan pero ang sarap balik balikan. Kung maaari lamang na patigilin ang panahon kahit sandali man lang para langhapin ang sarap ng mga tawanan at kulitan ay aking hihilingin. Mga panahong kailangan kong matutong tumakbo ng mabilis para di mahabol ng mga nangungutong. Mga panahong kailangan kung gimising ng maaga para hindi mahuli sa eskwela. Mga panahong halos ang baon ko sa buong linggo ay itlog na iniba-iba lang ng pagluto ng aking ina – nilaga sa lunes, “scrambled sa martes, hinaluan ng ampalaya sa miyerkoles, “sunny side up” sa huwebes at nilagyan ng kamatis sa biyernes. O, hindi ka pa ba mababato dun? Pero dun ko nalaman kung pa’no mamuhay at magbigay halaga sa pinaghirapan. Mga panahong una akong umibig – ang saya ng ligawan at paggawa ng mga sulat pagmamahal. Kamusta na kaya siya? Baka may asawa na ngayon

Tulad ng isang pelikula, may mga bahagi sa ating buhay na kailangan nating tanggalin – hindi sa nais nating kalimutan, kundi dahil sa nais lamang nating mapaganda at maisa-ayos ang ating buhay sa pamamagitan ng mga aral na dulot nito. Di ito gaganda kung hindi dadaan sa masusing mga kamay ng editor. Mapanuring mga mata ng direktor. Kikilatisin at bubusisiin ng mga kritiko at manunuod. Aalamin kung makakapagbigay-aral ba sa ibang tao or isa lamang itong pelikulang walang kabuluhan at madaling malimutan.

Sa bawat paglipas ng panahon, ang bawat taon ay maituturing nating isang kabanata sa ating buhay. At ang bawat yugto ay may kanya-kanyang tema. Ang mahalaga ay kung nagampanan ba natin ang ating bahagi bilang pangunahing tauhan sa kwento. Naipakita ba natin sa bawat larawan – saya man o kalungkutan, pagdiriwang o pighati – na di lamang ito kanais-nais tingnan kung hindi makabuluhan din.

Sabi nila, malalaman mo raw kung anung klaseng tao ka at kung gaano kahalaga ang naging kontibusyon mo sa kapwa at sa kumunidad sa dami ng tao na nakikiramay at nakikipaglibing. Sa pagtatapos kaya ng kwento ng aking buhay, may mahabang prosisyon ng nakikiramay at nakikipaglibing ba akong makikita?

Anu man ang kahihinatnan sa huli, nais kong makita nila sa aking larawan, sa ibabaw man ng aking kabaong o nakasabit sa dingding, na ang buhay ko’y isang talambuhay na makabuluhang basahin at ulit-ulitin. Di man ito maisapelikula o magawan ng nobela.

Abot Mo Ang Mundo

jvn.i.ph

lisanin ang nakaraan
limutin ang nagdaan
mundo’y muling paikutin
buhay’y muling namnamin

ang nakalipas ay alaala
kabilang ng isang gunita
bahagi na ng kasaysayan
ng ating nagdaan

lumundag
tumawa
umiyak
pag nadapa

imikot-ikot ka
lubusin ang ligaya
mundo’y punan mo ng tuwa
hirap ay ‘di alintana

lakad
talon
humiyaw
sumigaw

sa mundo’y walang balakid
kung tagumpay’y handang makamit
isulong ang mga pangarap
mga butil nito’y isaboy sa ulap

masdan
damhin
unti-unti’y may mararating
tagumpay ay anihin

ako
ikaw
tayo
ang pagbabago
ang magbabago
at huhugis sa ating mundo

halika, sabay tayo
abutin natin ang rurok nito.

Gunita ng Kahapon

“Mang Domeng, magandang hapon po!”

“O Miguel, andito ka na pala. Ba’t napauwi ka? Ika ni Mang Domeng habang nagsisibak ng kahoy ng hapon na iyon.

“E wala naman pong dahilan, nais ko lamang umiwas sandali sa gulo ng kabihasnan. Kamusta na po kayo?” wika ko.

“E, eto nagsasaka pa rin. Sa awa ng Diyos nakapagtapos na rin ng pag-aaral ang mga kapitid ni Luisa.” Magtatagal ka ba dito?”

“A eh, hindi po, mga ilang araw lang. Babalik na rin po ako ng Maynila sa makalawa. “Di kasi ako pwedeng mawala sa trabaho ng matagal, mahirap na baka matambakan ako ng trabaho. Kamusta nga po pala si Luisa?”

“Ayun, nasa bahay. Nagpaalam sa trabaho na “di muna papasok ngaun hanggang sa makalawa, bibinyagan na kasi ang apo ko. Bisitahin mo sa bahay ng magkausap naman kayo.”

Ang mga salitang iyon ni Mang Domeng ang nagpaalala sa akin ng isang nakaraan. Nakaraang puno ng pangako sa isa’t isa, ngunit dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari ay tila naglaho na lamang na parang bula at nilipad ng hanging ngayo’y sa akin ay humahaplos. Buti na lamang at palubog na ang araw, naitago nito ang nangingilid na luha sa aking pisngi.

Mabuti pa ang dagat, hinahalikan ng araw bago ito lumubog sa kanluran. Nagpapaalala na muli itong sisikat at magbibigay kislap sa asul na dagat. ‘Di tulad ng pagmamahal, hahalikan ka nga nagpapaalam naman. Walang pangako na magbabalik.

Nabanggit ko nga pala si Luisa. Marahil nagtatanong kayo kung sino siya sa buhay ko. ‘Di man sa pagmamayabang pero siya na ‘ata ang pinakamagandang babaeng nilikha ng Bathala para sa akin. Maganda ang kanyang mga mata. Nangungusap, naghahanap. Kabigha-bighani ang kanyang mga ngiti at tawa, tila ba isang napakagandang musika sa aking pandinig. Malambing, maamo, maasikaso. Wala na akong mahahanap pa. Lagi kaming naglalakad sa dalampasigan tuwing pauwi kami galing eskwela. Kwentuhan, kulitan. Minsan naman titigil sandali habang pinagmamasdan namin ang paglubog ng araw. Kulang na lang gitara at kantahan. Pero lahat ng ito’y malabo na, niluma na ng panahon. Kumbaga sa ilang larawan, naninilaw na.

Lumuwas ako ng Maynila para doon tapusin ang kolehiyo. Siya naman ay naiwan sa probinsya. ‘Di pa uso cellphone noon, kaya ayon naputol ang komunikasyon. Nawili ako sa mapang-akit na ganda ng lungsod. Tambay sa Malate o di kaya Tomas Morato. Nilibang ang sarili sa ganda ng mga taga lungsod. Muntik ng mapariwariw ang buhay. Si Luisa? Hindi ko alam. Marahil naghihintay pa rin sa aking pag-uwi. Alam ko maghihintay iyon.

“Tao po?”

“Sino po sila?” wika ng batang babae na siyang nagbukas ng pintuan. Napakagandang bata, Kamukha ni Luisa.

“Andiyan ba si Luisa?”

“Inay! May naghahanap po sa inyo!” ang kanyang biglang sigaw.

Bumungad sa akin ang napakaamong mukha. Hindi nagbabago, hindi kinupas ng panahon. Siya pa rin ang Luisang mahal ko hanggang ngayon.

“Miguel, naparito ka? wika ni Luisa.

“E, dumalaw lang bago man lang ako bumalik ng Maynila. Kamusta ka na?”

“Eto, mabuti naman. Siya nga pala, si Maribel. Anak ko. Sa makalawa na yan bibinyagan, sana makarating ka. Naalala mo ba si Jun?”

“Yung kaibigan nating adik?” biro ko sa kanya sabay tawa.

“Oo. Siya nga pala ang napangasawa ko. Kaso wala siya ngayon dito, bukas pa ang uwi galing trabaho, lingguhan kasi ang uwi nun.”

Si Jun. Matalik din naming kaibigan. Makulit, mahilig magpatawa tila wala problema. Kaya tinawag naming adik.

Lumipas ang maghapon na iyon, ni walang nagbanggit sa amin tungkol sa nakaraan. Siguro pinili na naming ibaon iyon kasabay ng lumipas na panahon. Ngunit alam ko, kahit isa man lng sa amin ang magmutawi tungkol dito, hahaba ang kwentuhan, marami ang maitatanong, ngunit walang kasagutan, wala ng dahilan ‘pagkat ganito na ang kasalukuyan.

Masaya marahil sila ngayon habang binibinyagan ang panganay nila. Ako sana ang nakatayo doon at umaakay sa aming anak. Pero, heto ako nakaupo sa isang sulok ng bus pabalik ng Maynila.